Sipi mula sa “Ampalaya (Ang Filipinas 50 Taon Makatapos ng Bagong Milenyo)”

ni Reuel Molina Aguila

Upang basahin ang kapalaran ng mga bayan,
kailangang buklatin ang aklat ng kaniyang kahapon.
At dahil diyan ay inuulit namin at uulitin kailanman, na,
samantalang may panahon ay lalong mabuting pangunahan
ang mga hangarin ng isang bayan kaysa pahinuhod; ang una’y
umaakit ng kalooban at ng pag-ibig; ang pangalawa ay
umaakit ng pagpapawalang-halaga at ng poot.
(Ang Filipinas sa Loob ng Sandaang Taon –
Jose Rizal)
1 Sarap na sarap sa paghahapunan ang pamilyang de la Cruz, isang gabing tikatik ang
ulan at ang simoy ng amihan sa mga unang araw ng buwan ng Pebrero ay naghahatid
ng nakapanghahalukipkip na lamig.
2 Sa liblib na baryong ito na lalong naging liblib dahil napag-iwanan ng mabilis na pagbabago ng mundo, ang munggong sinahugan ng ampalaya at tinambalan ng tuyo ay
langit nang masasabi.
3 “Heaven!”
4 Ganyan nga ang sinabi ng kabataang mountaineer na minsang nagawi sa pamilya
de la Cruz at nakisalo ng munggong may ampalaya. Matagal na raw siyang hindi
nakakatikim ng ganoong ulam.
5 Hindi iyon maunawaan nina Juan de la Cruz dahil pangkaraniwan lang na ulam nila
iyon. Pagkaing mahirap, wika nga. Laking tuwa nila nang abutan sila ng ilang de-lata
bilang kapalit sa munggo’t ampalaya.
6 Kaya’t sa tuwing ganito ang kanilang ulam ay naghahagikgikan ang pamilya de la Cruz
sa alaalang ito.
7 Hagikgikan pa sila nang hagikgikan dahil sa sinasabi sa radyo habang naghahapunan
sila. Hindi nila mapagtanto kung ano ang sinasabi ng announcer. Bargain sale daw sa
Super Tiangge Mall ng mga kasangkapan tulad ng teleponong nakikita ang kausap at
bombilyang 10 watts lamang pero kayang ilawan ang isang malaking plasa.
8 Sapagkat, ni koryente o linya ng telepono ay wala sila. Taong 2050 ay wala silang
koryente o linya ng telepono.
9 Nagkaroon kung sa nagkaroon ngunit pinutulan din ang buong baryo nang ang
karamihan dito ay hindi nakayanang magbayad.
10 Gapok at nakahilig na ang mga poste ng koryente; at ang mga kawad ay pinagkukuha
na nila para gawing sampayan o panali ng kung ano-ano.
11 Gayon ding nakatiwangwang na ang butas-butas na mga solar panel na ikinabit noong
bata pa si Juan. Donasyon iyon ng mga Aleman, limampung taon na ang nakakaraan,
noong bago magpalit ang taon sa kalendaryo mula sa panimulang disinuwebe tungo sa
dalawampu.
12 Tulong daw iyon upang hindi magdumi ang papawirin mula sa karbong ibinubuga ng
mga de-langis na plantang lumilikha ng koryente. Na, sa pagdami ng karbon sa
papawirin ay siyang nagiging sanhi ng pag-init ng mundo. At siya namang sanhi ng
pagbabago ng klima at panahon: wala sa panahong bagyo, panay-panay na tagtuyot,
at kainitang pati silang sanay nang mababad sa araw ay umaangal.
1. Ano ang kalagayan sa buhay ng pamilya ni Juan de la Cruz? Magbigay ng mga patunay.
2. Bakit kaya “heaven” para sa kabataang mountaineer ang ulam na ampalaya at tuyo, gayong
pangkaraniwan lamang ito sa pamilya de la Cruz?
3. Bakit naman sila tuwang-tuwa pagkabigay sa kanila ng mga de-latang pagkain ng mountaineer?
4. Batay sa mga impormasyong inilahad sa bahaging ito, ipaliwanag ang tagpuan ng kuwento –
saan at kailan ginanap ang istorya.13 Ngunit sa pagdalaw ng bagyong siya nga sanang nilulutas ng solar panel ay siya
namang pagkabutas-butas at pagkakalasog-lasog nito.
14 Sa tuwing nakikita ni Juan ang mga kalansay ng panahong iyon ay sumasagi sa kaniya,
bilang isang gising na bangungot, ang mga ritwal, takot, at pag-iimbak ng mga
pagkain dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dumadalaw na siyang kinikilalang mga
signos ng katapusan na ng mundo; at paniwalang hatid ng pagbabago ng milenyo.
15 Tuyo na rin at tinabalan na ng damo ang mga poso, na kapag hinawan ang sukal ay
makikita pa sa semento ang mga pangalan ng nangampanyang meyor, gubernador,
kinatawan, bokal, at pangulo. Ang mala-lapidang talang ito ay parang isang punit na
pahina na siya na ring nagsisilbing tanging nakatalang kasaysayan ng baryong iyon.
16 Kaya nga’t napapahagikgik na lang sila sa tuwing nakakarinig sila ng mga balita
tungkol sa mabilis na pagbabago sa lungsod at sa ibang sulok ng daigdig.
17 Gaya ng iba pang produktong inaanunsyo ng announcer na kahit pa singkwenta
porsyento ang ibinaba ng mga presyo nito, dahil sa pagkawala ng taripa ayon sa
umiiral na pang-ekonomiyang kalakaran ng globalisasyon, ay hindi pa rin maabot ng
karaniwang mamamayan.
18 Sa radyo niya narinig ang mga mabibigat na salitang iyon hinggil sa pang-ekonomiyang
kalakaran, tuwing umagang bago niya harapin ang kaniyang mga pananim. Kaya’t
tuwing umaga nga, sa awa ng itinatagal ng baterya, pilit inuunawa ni Juan kung bakit
umuunlad naman ang ibang bansa, o kung bakit umuunlad naman ang Maynila ay lalo
naman yatang nahuhuli ang kanilang baryo.
19 Kalabaw pa rin ang gamit nila sa pagsasaka samantalang sinasabi rin sa radyo na
de-robot na ang pagsasaka sa ibang bansa.
20 Sinungaling marahil ang radyo. O, marahil hindi niya nasundang mabuti ang sinasabi
ng radyo dahil madalas maubusan siya ng baterya.
21 Pero sa radyo din niya narinig na ‘wag daw silang mag-alala. ‘Yan ang pangako ng
bagong pangulo, isang child actress noong magpang-abot ang mga milenyo na higit na
nakilala sa halos makatotohanang pagganap niya sa papel ng batang ginang-rape ng
kaniyang lolo, ama, at mga tiyuhin.
22 Pararatingin daw niya ang kaunlaran hindi lang sa Maynila, bagkus sa kaliblib-liblibang
sulok ng bansa, gaya ng kanilang baryo. Iyon ang pangako ng dating child actress.
23 Kaya’t ganoon ngang umaasa na lang sina Juan. Sapagkat, ano pa nga ba ang
kanilang magagawa kundi ang umasa na lang at magsikap sa araw-araw.
24 Ni hindi nga siya sumapi sa mga rebeldeng halos mag-iisandaang taon nang
nakikipaglaban ngunit hindi pa rin nagwawagi.
25 Sa ilang pagbisita sa kanila ng mga ito ay nakikipaghuntahan sila kay Juan at
ipinapaliwanag kung bakit paurong lalo ang takbo ng buhay sa kanayunan. Ito,
diumano ay sanhi ng globalisasyon na sinimulan noon pa mang dekada ’90 ng ika-20
siglo. At kaya nakalusot ang bagong kaayusang ito ay dahil sa imperyalistang hangarin
ng Estados Unidos, sa pakikipagkutsabahan nito sa naghaharing uri ng bansa sa
pangunguna ng mga panginoong maylupa at komprador-burgesya.
26 Kung anuman ang pinagsasabi sa kaniya ng mga taong labas ay hindi niya
maunawaan; na ‘yon din naman ang kantsaw ng matandang si Kadyo, 80 anyos at
dating aktibista sa kaniyang kapanahunan—na halos mag-iisandaang taon na ay iyon
pa rin ang uri ng pagsusuri ng mga rebelde sa lipunang Filipino.
27 “Sapagkat hindi po nagbabago ang kaayusang politiko-ekonomiya ng bansa,” ang
mariing ratrat ng batang gerilya.
28 “Ipasa-Diyos na lang natin,” ang sabi naman ng pari na taunan kung magmisa sa
kanilang baryo.
29 “Magbabago para sa kabutihan ang lahat,” ang sabi naman ng kandidatong meyor, na
anak ng dating meyor, na anak din ng dating meyor, na anak pa uli ng dating meyor, na
anak ng…
30 “Putris naman.” Ito ang sumasagi lagi sa isipan ni Juan tuwing nauungkat sa anumang
pagkakataon ang kaunlaran sa lungsod at ang kahirapan naman sa kanilang baryo.
31 Hanggang sa natutuhan na niya at ng kaniyang pamilya na maghahagikgikan na lang
sa tuwing nauungkat ang mga ganitong kaunlaran.
32 Para lamang daw iyang LRT sa Kamaynilaan na maigi ngang sa pagpasok mo sa isang
estasyon ay makakarating ka saan mang parte ng Maynila; ngunit ikot lang nang ikot at
hindi nakakaabot sa kanayunan.
33 Mahigit limampung taon na si Juan, halos kasintanda ng bagong milenyo; isang tunay
na magsasakang nabubuhay kahit paano sa kaniyang mga sinasaka, umaasa sa sarili
at walang pineperwisyo.
34 ‘Yan lang ang kaniyang maipagyayabang, na binuhay niya ang kaniyang pamilya,
walang-wala man sila. Sapagkat ganoon din siya binuhay ng kaniyang ama, kahit
walang-wala mandin sila.
35 Kaya’t nakakahimlay siya, sila, nang matiwasay tuwing gabi. Lalo pa ngayong
halumigmig ang hangin na pinag-init naman ng kaninang umaasong munggong may
ampalaya na hinapunan nila kanina.
36 At sila’y natulog nang mahimbing.