SANDAANG DAMIT

Fanny Garcia

May isang batang mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kaniyang pagiging walang-imik. Malimit siyang nag-iisa. Laging nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Laging nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro. Halos paanas pa kung magsalita.

Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang natuklasang kaiba ang kaniyang kalagayan sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kaniya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Malimit nila siyang tuksuhin sapagkat ang kaniyang damit, kahit nga malinis, ay halatang luma na,palibhasa’y kupasin at punung-puno ng sulsi.

Kapag oras na ng kainan at labasan na ng kani-kanilang pagkain, halos ayaw niyang ilitaw ang kaniyang baon. Itatago niya sa kandungan ang kaniyang pagkain, pipiraso ng pakonti-konti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase ang kaniyang dalang pagkain. Sa sulok ng kaniyang mata ay masusulyapan niya ang mga pagkaing nakadispley sa ibabaw ng pupitre ng mga kaklase: mansanas, sandwiches, kending may iba-ibang hugis at kulay na pambalot na palara.

Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagwawakas sa kaniyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kaniyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nilang ang kaniyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman. Kaya lumayo siya sa kanila. Naging walang kibo. Mapag-isa.

Ang nangyayaring ito’y hindi naman lingid sa kaniyang ina. Sa bahay ay di minsan o makalawa siyang umuuwing umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase, at siya’y magsusumbong. Mapapakagat-labi ang kaniyang ina, matagal itong hindi makakakibo, at sabay haplos nito sa kaniyang buhok at paalong sasabihin sa kaniya, hayaan mo sila anak, huwag mo silang pansinin, hamo, kapag nakakuha ng maraming pera ang iyong ama, makakapagbaon ka na rin ng masasarap na pagkain, mabibili na rin kita ng maraming damit.

At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama’y hindi pa rin nakapag-uwi ng maraming pera kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ngunit ang bata’y unti-unting nakaunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya umuuwing umiiyak. Hindi na siya nagsusumbong sa kaniyang ina.

Sa kaniyang pagiging tahimik ay ipinalalagay ng kaniyang mga kaklase na siya’y kanilang talun-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pambubuska. Lumang damit. Di masarap na pagkain. Mahirap. Isinalaksak nila sa kaniyang isip.

Hanggang isang araw ay natuto siyang lumaban.
Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang nagkatinig ang mahirap na batang babaeng laging kupasin, puno ng sulsi, at luma ang damit, ang batang laging kakaunti ang baong pagkain. Yao’y isa na naman sanang pagkakataong walang magawa ang kaniyang mga kaklase at siya na naman ang kanilang tinutukso.

“Alam n’yo,” aniya sa malakas at nagmamalaking tinig, “ako’y may sandaang damit sa
bahay.”

Nagkatinginan ang kaniyang mga kaklase, hindi sila makapaniwala.
“Kung totoo ya’y ba’t lagi na lang luma ang suot mo?”
Mabilis ang naging tugon niya, “Dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa’min para kami maniwala!” Iisang tinig na sabi
nila sa batang mahirap.
“Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto n’yo’y sasabihin
ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may laso o bulaklak.” At nagsimula na nga siyang maglarawan ng kaniyang mga damit. Ayon sa kaniya’y may damit siya para sa iba-ibang okasyon. May damit siyang pambahay, pantulog, pampaaralan, pansimbahan, at iba pa.

Naging mahaba ang kaniyang pagkukuwento. Paano’y inilarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kaniyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pandalo niya sa pagtitipon. Makintab na rosas ang tela nito na sinabugan

ng pinaggupit-gupit na mumunting bulaklak at makikislap na rosas at puting abaloryo.
Bolga ang manggas. May tig-isang malaking laso sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya’y ang kaniyang dilaw na pantulog na may prutas sa kuwelyo, manggas, at laylayan. O ang kaniyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malalaking bulsa.

Mula noo’y naging kaibigan niya ang mga kaklase. Ngayo’y siya ang naging tagapagsalita at sila naman ang kaniyang tagapakinig. Lahat sila’y natutuwa sa kaniyang kuwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kaniyang pagkamahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kaniyang pamamayat kahit ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich, isa o dalawang
kendi.

Ngunit isang araw ay hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaeng may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw. At nang sumunod pa. At pagkaraan ng isang linggong hindi niya pagpasok ay nabahala ang kaniyang mga kaklase at guro.

Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal na lumiban sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan. Sumungaw ang isang babaeng payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Pinatuloy sila at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa anumang marangyang kasangkapan. At sa isang sulok ay isang lumang teheras at doon nakaratay
ang batang babaeng may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunang-pansin kundi ang mga papel na maayos na maayos na nakahanay at nakadikit sa dingding na kinasasandigan ng teheras. Lumapit sila sa sulok na yaon at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay ang drowing ng bawat isa sa kaniyang sandaang damit. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kaniyang naikuwento. Totoo’t naroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pandalo sa pagtitipon.

Naroon din ang drowing ng kaniyang pantulog, ang kaniyang pansimba, ang sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kaniya’y nakatago’t iniingatan niya sa bahay. Sandaang damit na pawang iginuhit lamang.