Bahagi (excerpt) ng Si Manuel L. Quezon sa Harap ng Kaaway ni P.S. Vergara

Ang kakaba-kabang dibdib ni Mang Ibiong ay napanatag nang kaunti. Nang makakain si Mang Ibiong, siya ay kinausap ng Presidente. “ Mang Ibiong, ano po ba ang aming pagkakasala sa inyo at kami’y ayaw ninyong bigyan ng pagkakataong makapagpulong sa pook ng Felix Huertas?”
“Ako po ay isang mahirap na tao, Ginoong Quezon. Lahat po ng aking pagsisikap ay aking ginawa upang mahango ko ang aking pamilya sa pagdaralita.Ako’y lumapit sa pamahalaan. Halos magpalimos po ako upang makapaghanapbuhay.

Ang lahat po ng aking pagsisikap ay nawalan ng halaga. Palagay ko po ay walang mangyayari sa aming pamumuhay kung ang pangkasalukuyang partido ay mamamayani,” ang paliwanag ni Mang Ibiong.
“ Ganoon ba? Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyo. Ngunit sisikapin kong ikaw ay matulungan. Hintayin mo ang aking sulat kung ikaw ay mabibigyan ng hanapbuhay.”

Umalis na si Mang Ibiong. Dinili-dili niya ang pagtanggap sa kanya ng Presidente ng Senado. Siya’y isa lamang hamak, ngunit siya’y tinanggap na parang isang mahal na tao.Ang inaalala niya’y baka ang pangakong hanapbuhay

ay mauwi lamang sa pangako. Kung panahon ng kampanya ang mga pulitiko ay sadyang masarap mangako.

Hindi pa nakababangon sa kanyang tulugan, si Mang Ibiong ay ginising na ng isang” tao po “. Nagbalikwas siya upang siyasatin kung sino ang napaka-agang panauhin. Sina Mang Basio at Mang Justo pala ay maagang inutusan ng Presidente upang ipagbigay- alam kay Mang Ibiong na maaari na siyang mag-simula sa isang pagawaan sa umaga ring iyon. Napamangha si Mang Ibiong. Hindi niya sukat akalaing ganoon kaagap kung mangako ang Presidente ng Senado.