ANG PINAGMULAN NG BOHOL (Alamat/Boholanos)

(“Myth of Bohol”)

Salin ni Patrocinio V. Villafuerte

Ang mga tao noon ay naninirahan sa kabila ng ulap. Isang araw, ang kaisa-isang
anak na babae ng datu ay nagkasakit. Hindi mapalagay ang datu.

“Tanod, may sakit ang anak ko. Humayo ka, papuntahin mo rito ang manggagamot. Ngayon din!”

“Ngayon din po, Mahal na Datu!”

Nang dumating ang matandang manggagamot at ang tanod sa tahanan ng Datu. . .
“Magagawa ng matandang lalaki ang anuman na makagagaling sa kanya!” ang sabi
ng datu.

Sinuring mabuti ng matandang manggagamot ang maysakit. Pagkatapos ng
pagsusuri, nag-usap ang manggagamot at ang Datu sa labas ng kubo. . Tumawag ng
pulong noon din ang datu. . .

“Mga kalalakihang nasasakupan ng aking barangay. Makinig kayo sa akin. Maysakit
ang aking anak na babae at ang tanging hinihiling ko ay ang inyong tulong. Sundin ninyong
lahat ang mga tagubilin ng manggagamot. . . . upang magbalik ang dating lakas ng aking
anak.”

“Mga lalaki, dalhin ninyo ang maysakit sa malaking puno ng balite. Hukayin ninyo
ang lupang nakapaligid sa mga ugat, ang utos ng manggagamot.

“Gagawin naman ang iyong ipinag-uutos alang-alang sa pagmamahal namain sa
datu at sa kaniyang kaisa-isang anak na babae!”

Nagsimulang kumilos ang mga tauhan ng datu. Pinuntahan nila ang lugar na
kinatatayuan ng puno ng balite. Ang maysakit na anak ng datu ay isinakay sa duyan.
Hinukay ng ilang lalaki ang lupa sa paligid ng mga ugat ng puno ng balite. Nang ito’y
matapos.

“Dalhin ang maysakit sa kanal! Ang tanging makagagaling sa kanya ay ang mga
ugat ng malaking puno ng balite.” Buong ingat na inilagay sa kanal ang maysakit.
Ngunit sa di-inaasahang pangyayari, bumuka ang lupa. . .

“Ooooops, Aaaa. Ama ko, tulungan ninyo ako Ama. . .”
At babae’y tuluyang nahulog sa hukay ng ulap.

“O, Diyos ko. Ang aking anak. Ibalik ninyo siya sa akin. . . O, hindi! Ang aking
anak!”
“Huli na ang lahat, Datu. Siya’y patay na.!”
Sa ilalim ng ulap ay may malaking daluyan ng tubig. Gumulong sa hangin ang
maysakit bago tuluyang bumagsak ang kanyang katawan sa malaking daluyan ng tubig.
Nakita ng dalawang bibe ang pagkahulog ng babae.
“Isplas! Wasss! Isplas!

Nagmamadaling lumangoy ang dalawang bibe at mabilis na bumagsak sa likod nila
ang katawan ng babae. Sa kanilang mga likod namahinga ang may sakit.
“Kwak, kwak, kwak, kwak!”
At isang pulong ang idinaos.

”Ang babaeng kababagsak lamang mula sa ulap ay labis na nangangailangan ng
tulong. Kailangang tulungan natin siya.”

“Oo, dapat tayong gumawa ng bahay para sa kanya.”
“Lumundag ka, palaka, at dalhin mo ang dumi ng puno sa ibaba,” ang utos ng
pagong.

Sumunod ang palaka ngunit hindi siya nagtagumpay. Inutusan naman ng malaking
pagong ang daga. Siya ma’y sumunod ngunit nabigo.
Hanggang sa. . .
“Susubukin ko, ang kusang-loob na sabi ng malaking palaka.
Sa pagkakataong ito, ang lahat ng hayop ay nagsigawan at naghalakhakan, maliban
sa malaking pagong.

“Natitiyak naming hindi mo iyon magagawa. He-he-he! Ha-ha-ha.”
“Subukin mo, baka ikaw ang mapalad.”

Huminga nang malalim ang matandang palaka at nanaog. . . nanaog. . Sa wakas,
ang samyo ng hangin ay dumating at sumunod ang matandang palaka. Sa kanyang bibig,
nagdala siya ng ilang butil ng buhangin na kanyang isinabog sa paligid malaking pagong. At
isang pulo ang lumitaw. Ito ang naging pulo ng Bohol. (Kung susuriin ang likod ng pagong,
mapapansin ang pagkakatulad nito sa hugis at anyo ng Bohol). At dito nanirahan ang
babae. Nanlamig ang babae kayat muling nagdaos ng pulong. . .
“Kailangang gumawa tayo ng paraan para siya mainitan.

“Kung makaaakyat ako sa ulap, makukuha ko ang kidlat at makagagawa ako ng
liwanag, “ang sabi ng maliit na pagong.

“Gawin mo ang iyong magagawa. Marahil ay magiging mapalad ka.
Isang araw, nang hindi pa gaanong dumidilim, uminog ang ulap at tinangay ang
pagong nang papaitaas.

“Uww-ssss ! Brahos !”
Mula sa ulap, kumuha siya ng kidlat. . .
“Brissk ! Bruumm ! Swissss !”
Nabuo ang araw at ang buwan na nagbigay ng liwanag at init sa babae. Mula noon,
naninirahan ang babae sa piling ng matandang lalaking nakita niya sa pulo. At nanganak
siya ng kambal. Sa kanilang paglaki, ang isa’y naging mabuti at ang isa’y naging masama.
“Ihahanda ko ang Bohol sa pagdating ng mga tao.”
Ang mabuting anak ay gumawa ng mga kapatagan, mga kagubatan, mga ilog at
maraming hayop. Lumikha rin siya ng mga isdang walang kaliskis. Ngunit ang ilan sa mga
ito’y sinira ng masamang anak. Tinakpan niya ng makakapal na kaliskis ang mga isda
kaya’t mahirap kaliskisan ang mga ito
“Ano ang ginawa mo?”
“Walang halaga lahat ‘yan.”
“Walang halaga?”
“Bakit mo pinahihirapan ang iyong sarili sa paggawa rito? Hangal ka!”
“Inihahanda ko ang lugar na ito para sa pagdating ng mga tao.”

“Dito, dito’y wala tayong kinabukasan. Samantalang sa ibang lugar ay hindi ka
kailangang gumawa. Isa kang baliw ! »

Kaya’t naglakbay sa kaunlaran ang masamang anak. Dito siya namatay.

Samantalang ang mabuting anak ay nagpatuloy ng pagpapaunlad ng Bohol at inalis ang
mga masasamang ispiritung dala ng kanyang kapatid. Hinulma ang mabuting anak ang
mga Boholano sa pamamagitan ng pagkuha ang dalawang lupa sa daigdig at hinugis ang
mga ito ng katulad ng tao. Dinuran niya ang mga ito. Sila’y nabuhay.

“Ngayong kayo’y naging lalaki at babae, iniiwan ko sa inyo ang mga magagandang
katangiang ito: kasipagan, mabuting pakikitungo, katapatang kabutihang-loob, at
mapagmahal sa kapayapaan.”

Ikinasal ang dalawa at nagsama. Isang araw, kinausap sila ng mabuting anak.

“Narito ang iba’t ibang uri ng buto. Ibig kong itanim ninyo ang mga butong ito para
kayo matulungan. Gawin ninyong laging sariwa at magandang tirahan ang lugar na ito.”
Nang malaunan, ang mabuting anak ay lumikha ng igat at ahas katulad ng isda sa
ilog. Lumikha rin siya ng malaking alimango.

“Humayo kayo, dakilang igat at dakilang alimango saan mang lugar na ibig ninyong
pumunta.”

Sinipit ng malaking alimango ang malaking igat. Nagkislutan ang dalawa at ang
kanilang paggalaw ang lumikha ng lindol.

Ito ang dahilan kung bakit maraming alimango sa Bohol, maging sa lupa o sa dagat,
at ang igat na kaunaunahang nilikha ng mabuting anak. Gustong-gusto kainin ito ng mga
Boholanos. Hindi sila kumakain ng palaka dahil iginagalang nila ang mga ito. Hindi rin nila
kinakain ang mga pagong katulad ng ibang mga Bisaya kahit maaaring ihain ang mga ito sa
handaan.

source: http://www.bse.portal.ph