ANG DAPAT MABATID NG MGA TAGALOG

Itong Katagalugan na pinamamahalaan ng unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutungtong sa mga lupaing ito ang mga kastila ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaguinhawahan.

Ni Andres Bonifacio (attrib.)
Published under the nom de plume Agapito Bagumbayan in the sole issue of Kalayaan, March 1896

First   Katipunan Flag 1892
First Katipunan Flag 1892

Itong Katagalugan na pinamamahalaan ng unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutungtong sa mga lupaing ito ang mga kastila ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaguinhawahan. Kasundo niya ang mga kapit bayan at lalung lalo na ang mga taga Japon sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal malabis ang pag yabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman mahal ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga tagalog. Dumating ang mga kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na di umano, tayo’y aakain sa lalung kagalingan at lalung imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay ng yaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugalian ng mga tagalog na sinaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamaguitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kanikanilang mga ugat, at yao’y inihalu’t ininom nila kapua tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di mag tataksil sa pinagkayarian. Ytoy siang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna at ni Legaspi na pinaka katawan ng hari sa España.

Buhat ng ito’y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong daang taon mahiguit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iguinugugol natin ang yaman dugo at sampu ng buhay sa pagtatangol sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanilay pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Ynsik at taga Holanda na nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.

Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga guinawa nating paggugugol nakikitang kaguinhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siang naging dahil ng ating pag gugugol! Wala kung di pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakung tayo’y lalung guiguisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; Yminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo ‘y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang naguiguing kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.

Ngayon wala ng maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagui ng guinagambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan bunton hininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na kastila; ngayon tayo’y malunod na sa nagbabahang luha ng Yna na nakitil na buhay ng anak sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalut lalu tayong na bibilibiran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata, ang kukong nag akma ng kamatayang alay sa ating ng mga ganid na asal. Ytinuturo ng katuiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalut lalung kahirapan, lalut lalung kataksilan, lalut lalung kaalipustaan at lalut lalung kaalipinan. Ytinuturo ng katuiran, na huag nating sayangin ang panahon sa pagasa sa ipinangakong kaguinhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Ytinuturo ng katuiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huag antain sa iba ang ating kabuhayan. Ytinuturo ng katuiran ang tayo’y mag kaisang loob magka isang isip at akala at ng tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.

Panahun na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon ng dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahun ng dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahun na ngayong dapat makilala ng mga tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

Kaya! oh mga kababayan! ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag asa na mag tagumpay sa nilalayong kaguinhawahan ng bayang tinubuan.

Source: José P. Santos, Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan (Manila: n.pub, 1935)